Huling Sayaw


Ito na ang ating huling sandali - malapit nang mag-isang taon simula noong napaluha ako nang marinig ang unang pangungusap ng kantang ito na inawit ng Kamikazee habang ako’y nagpapaayos sa sasapit na oras. Ito na. Ito na talaga ang ating huling sandali. Ang huling pagkakataon na sasabak sa isang matinding laban kasama ang mga taong kapiling ko sa higit na limang taon.

Hindi na tayo magkakamali – at nandito na nga tayo sa oras na ating pinaghandaan, ang oras na ating inabangan ang pagsapit, ngunit hindi hinihiling na matapos. Huling sayaw na natin. Huling laban na natin bago pa man magkahiwa-hiwalay ng landas. Junior’s Promenade na. Huling pagkakataon na din ito upang maisabuhay ang dangal na dala ng pangalan ng pangkat na Grade 10 – Excellence. Kahusayan. Hindi na dapat magkamali sa bawat paglapat ng mga kamay, sa pagtadyak ng mga paa, sa pagpilantik ng mga daliri, at sa pag-indak ng mga katawan. Kahusayan. Maipamamalas ba natin ito? Maisasabuhay ba natin ito?

Kasi wala ng bukas, sulitin natin, ito na ang wakasnaalala ko pa noong huling araw ng ating pag-eensayo, kaysa makaramdam pagod ay nag-umapaw pa lalo ang enerhiya sa ating mga katawan nang matapos na ang pagtuturo ng bawat sayaw. Lilinisin na lang. Lilinisin na “lang”? Hindi ba’t ito ang pinakamahirap na gawin? Nagkasigawan. Nagkamurahan. Nagkandagutom-gutom at uhaw. Natapos pa din ang araw na tayo’y mga nakangiti sa kabila ng nanlilimahid na mga pagmumukha at ang suot na mga damit na maari nang mapiga dahil sa agos ng pawis. Inantay at pinaghandaan man ang sasapit na bukas, di man gustuhin na ang araw na ito ay matapos, ngunit kailangan na yata nating umuwi.

Hawakan mo aking kamay, bago tayo maghiwalay, lahat-lahat ibibigay, lahat-lahatmagkakakapit ang ating mga kamay nang tayo’y nagdasal bago tayo magtanghal. Sabay-sabay tayo naglakad patungo sa entablado, at naghiwa-hiwalay papunta sa kanya-kanyang posisyon. Lahat-lahat ay binigay, mula sa unang pagbagsak ng musika hanggang sa huling pagbitaw ng nota nito. Ibinigay natin ang lahat-lahat, at muli, magkakahawak ang ating kamay habang nagpapasalamat sa isang laban na muli nating napagtagumpayan.

Kahusayan – muli natin itong naipamalas. Naisabuhay natin ang ating pangalan.


Paalam sa ating huling sayaw, may dulo pala ang langit, kaya’t sabay tayong bibitaw sa ating huling sayawat nagdaan na nga ang ating huling sayaw. Alaala na lang ang mga ito ng kahapon, ngunit naniniwala ako na hindi ito ang ating dulo, bagkus, ito ang siyang magsisilbing simula ng ating walang hanggan. Hindi ako bibitaw sa ating mga alaala kahit lumipas na ang ating huling sayaw.

Comments

Popular posts from this blog

Paano

Sa Aking Hardin